Ginugunita Kita #2
Marikit na tala ang tanglaw sa dilim,
Sa halimuyak ng matamis na hangin,
Sa gubat ng gabi ay hinihintay ko,
Mga kislap ng nilimot na pangako.
Habang may hapdi ang sugat ng kahapon,
Di maalpasan ang diwang nakakahon,
Inaawit ang kundiman ng pagsinta
Sa dalamhati ng pusong umaasa.
Ginuguni-gunita kita,
Binubuo sa alaala.
Pinapanga-pangarap ka,
Inuukit sa haraya.
Ang Naliligaw
Naliligaw ako sa paglalakbay,
Naliligaw sa kahahanap,
Naliligaw at hindi malaman
kung paano ba makabalik sa Oxford Street.
Naliligaw sa pamamasyal,
Hindi maintindihan ang mapa,
Hindi malaman kung bakit
Nandirito na naman sa Charing Cross.
Kaya umupo na lang sa Trafalgar Square,
Namulot ng balahibo ng kalapati,
Pero tinapon rin dahil mukhang marumi,
Mukhang maalikabok ang pakpak na nahuli.
Umikot na lang sa paligid,
Pinanood ang gusali,
Pinag-aralan ang kilos ng ibang turista,
Umikot at nag-isip, at naisip kita.
Naisip kita at inisip kita,
At bumalik ako sa National Gallery.
Pumunta sa West Wing,
At doon, tumulala ako.
Naliligaw sa kalalakad,
na parang isang feather ng pakpak,
na hindi na makabalik sa ulap,
at hindi na makasama sa paglipad.
Buti na lang naisip ka
sa aking pagkaligaw,
Iniisip na mapapansin mo
ang ulap sa 'yong paglalakbay.
At ninais na isipin ka
habang nakatulala kay Titian,
kay Bronzino at kay Michaelangelo,
at pinili kong isipin ka.
Pinili kong isipin ka,
sa paglalakbay at sa pagkaligaw.
Sa paghahanap ay nadarama ko:
Mahal, mahal na mahal kita.
No comments:
Post a Comment